ARESTADO SA SHABU AT BALA

shabu at bala

ARESTADO ang limang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang dalawang garbage collector at security guard sa isinagawang buy bust operation konra sa ilegal na pagbebenta ng bala ng ba­ril sa Caloocan City.

Kinilala ni NPD District Special Operation Unit (DSOU) head PLT Melito Pabon ang mga naaresto na sina Ramon Cacho, 36, garbage collector; Ricardo Domingo, 48, garbage collector; Richard Martinez, 30; Christian Ferrer, 22; at Carlo Reyes, 28, security guard, pawang ng Bagong Barrio.

Sa imbestigasyon ni PCpl Mark Jhovie Sales, alas-11:30 ng gabi nang ikasa ng mga ope­ratiba ng DSOU sa pangunguna ni PLT Pabon at ng Caloocan Police na pinamumunuan ni P/Col. Noel Flores ang buy bust operation kontra ilegal na pagbebenta ng bala ng mga baril sa Milagrosa Ext., Brgy. 154, Bagong Barrio na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos magbenta ng 10 piraso ng bala ng cal. 45 sa police buyer na nagkakahalaga ng P200.

Narekober kay Cacho ang P200 buy bust money at tatlong plastic sachet ng shabu na nasa P10,000 ang tinatayang halaga habang nakuha naman kina Domingo, Martinez, Ferrer at Reyes ang pitong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu. EVELYN GARCIA