ASIAD: PH SPIKERS BUMAWI, WINALIS ANG AFGHANISTAN

MAGAAN na dinispatsa ng Philippine men’s volleyball team ang Afghanistan, 25-23, 25-16, 25-12, upang makopo ang kanilang unang panalo sa 19th Asian Games nitong Miyerkoles sa Hangzhou, China.

Umangat ang mga Pinoy sa 1-1 makaraang makabawi mula sa opening day loss sa Indonesia noong Martes habang nahulog ang Afghanistan sa 0-2 sa Pool F.

Muling nagbida si Bryan Bagunas para sa nationals na may 16 points sa 14 attacks, isang block, at isang ace habang nag-ambag si Steven Rotter ng 13 points.

Abante ng isang puntos sa third set, 7-8, nag-init ang Pilipinas at bumanat ng 8-0 run, na sinindihan ng rejection ni Lloyd Josafat, para sa 16-7 kalamangan.

Pinalobo ng mga Pinoy ang bentahe sa double digits kung saan umiskor si Josafat ng ace, 20-8, at hindi na lumingon pa.

Tinapos ni Marck Espejo ang laro sa isang block at attack.

Nanguna si Gulam Haidari para sa Afghanistan na may 8 points habang nagdagdag sina Mohammad Wardak at Sayed Yousufi na may tig-5 points.

Susunod na makakasagupa ng Philippine bets ngayong Huwebes ang powerhouse Japan, na tumapos na fifth overall sa 2018 edition sa Indonesia.