(Battle of grand slam winners) CONE VS BLACK

Tim Cone at Norman Black

ANG best-of-seven titular showdown sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Meralco ay hindi lang corporate basketball rivalry ng dalawang kilalang sportsmen/businessmen na sina Ramon S. Ang at Manuel V. Pangilinan kundi bakbakan din ng dalawang American coaches at kapwa grand slammers na sina Tim Cone at Norman Black.

Muling maghaharap sina Cone at Black sa PBA Governors’ Cup Finals  matapos na sibakin ang kani-kanilang semifinal rivals.

Pinatalsik ng Barangay Ginebra ang NorthPort, 3-1, habang sinipa ng Meralco ang sister team Talk ‘N Text sa ‘do-or-die’ game.

Sina Cone at Black ay dalawang beses na nagharap noong 2016 at 2017 sa Commissioner’s Cup na kapwa pinagwagian ni Cone.

Binigo ni Black ang ambisyon ni New Zealand coach Mark Dickel na manalo ng PBA title nang koryentihin ng Bolts ang Tropang Texters, 89-78, sa Game 5 sa Ynares Center sa Antipolo City.

Patas ang labanan nina Cone at Black na kapwa champion coach at grand slam achievers.

Si Cone ang pinakamatagumpay na coach sa PBA na nagwagi ng  21 titles, kabilang ang dalawang grand slam noong 1996 at 2014 at tinawag ‘dean of coaches’ sa kanyang string of successes. Labing isa sa kanyang napanalunang titulo ay sa Alaska kung saan siya nagsimula bago lumipat sa koponan ni Ang.

Unang hinawakan ni Cone ang Purefoods na pinangunahan ni four-time MVP Alvin Patrimonio bago ginabayan ang Barangay Ginebra na dinala niya sa back-to-back titles sa Commissioner’s Cup noong 2016-17.

Samantala, nagwagi naman si Black ng 11 PBA titles, kasama ang grand slam noong 1989 sa San Miguel bago lumipat sa koponan ni Pangilinan at hinawakan ang TNT at Meralco.

Masusubukan naman ang husay ni residence import Justine Brownlee sa muli niyang pagharap kay Allen Durham sa isa na namang mainit na duelo kung saan pag-aagawan nila ang best import award.

Sisimulan ang titular showdown sa January 8 kung saan inaasahan ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng dalawang koponan na kapwa magkakaroon ng sapat na pa­nahon na makapagpahi­nga at makapa-ghanda para sa championship series. CLYDE MARIANO

Comments are closed.