BOLICK PBAPC PLAYER OF THE WEEK

Robert Bolick

SUMANDAL ang NorthPort kay Robert Bolick para maitakas ang epic comeback win kontra Meralco sa unang overtime game ng PBA Commissioner’s Cup.

Nagpasabog ang fourth-year guard ng bagong career-high 44 points sa 16-of-31 shooting mula sa floor nang pangunahan niya ang paghahabol ng Batang Pier mula sa 20-point deficit at ginulantang ang Bolts, 101-95, para sa ikalawang panalo sa tatlong laro.

Nilabanan ni Bolick ang cramps at fatigue upang umiskor ng mind-boggling 22 straight points, kabilang ang 17 sa fourth period, sa impresibong performance na ikinatuwa ng crowd sa Smart Araneta Coliseum.

Ang kanyang dalawang free throws, may 18.3 segundo ang nalalabi sa regulation, ang naghatid sa laro sa overtime (89-89), bago umiskor ng limang sunod na puntos na tinampukan ng isang three-pointer, sa pagsisimula ng extra period habang tuluyang kinontrol ng Batang Pier ang laro, 94-89.

“Lumaban lang talaga kami. Hindi kami nag-give up,” sabi ni Bolick matapos ang laro. “Ang sarap sa feeling.”

Ang kabayanihan ni Bolick ay nagbigay sa kanya ng Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week award para sa period na Sept. 28-Oct. 2.

Ang scoring feat ng dating San Beda star, na nagdagdag din ng 7 assists at 6 rebounds, ay isang record.

Ang kanyang output ang pinakamataas na naitala ng isang local overall magmula nang kumamada si Roger Pogoy ng TNT ng 45 points kontra Alaska sa 2020 Philippine Cup sa Clark bubble.

Ito rin ang pinakamataas na iskor ng isang NorthPort player – local o import – makaraang humataw si Stanley Pringle ng 50 points laban sa Columbian Dyip sa 2018 Commissioner’s Cup.

Si Bolick ang ikalawang sunod na NorthPort player matapos ni Arvin Tolentino na tumanggap ng weekly honor na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat.

Ang iba pang players na pinagpilian para sa citation ay ang Magnolia trio nina Paul Lee, Jio Jalalon, at Mark Barroca, Gian Mamuyac, Santi Santillan, at Andrei Caracut ng Rain or Shine, NLEX duo nina Don Trollano at Kevin Alas, at Barangay Ginebra’s Scottie Thompson.

CLYDE MARIANO