(Dahil kay super typhoon Karding)PBA, NCAA GAMES KANSELADO

KINANSELA ng Philippine Basketball Association (PBA) ang mg laro na nakatakda nitong Linggo, September 25, dahil sa super typhoon Karding.

Ayon sa PBA, ang mga laro sa pagitan ng Meralco at ng NLEX, gayundin ang Converge-Ginebra match ay muling itatakda sa ibang araw.

Ang mga laro ay gaganapin sana sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, na hanggang presstime kahapon ay nasa ilalim ng tropical signal no. 2.

Sinabi ng PBA na kanselado rin ang Leg 3 ng PBA 3×3 season 2 na nakatakda sa Lunes at Martes sa Robinson’s Antipolo.

Samantala, kinansela rin ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang mga laro na nakatakda kahapon dahil kay ‘Karding’.

“Please be informed that upon consultation with mancom members over Viber, and over phone calls, we can suspend the games today and reschedule to a later date based on our NCAA guidelines,” nakasaad sa isang advisory na nilagdaan ni vice chairman Efren Jose Supan.

Nakatakda sanang magharap ang Jose Rizal University at De La Salle-College of Saint Benilde sa alas-12 ng tanghali, bago ang salpukan ng San Beda University at University of Perpetual Help System DALTA sa alas-3 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.

Ang San Juan ay nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 3.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagkansela ang NCAA ng mga laro, ang una ay ang San Sebastian College-Lyceum match dahil sa health and safety protocols.

Kung bubuti ang panahon, ang aksiyon ay magpapatuloy bukas tampok ang rematch ng last season’s Finals sa pagitan ng Letran at ng Mapua sa alas-3 ng hapon sa San Juan arena.