DUTERTE AT LORENZANA NANGUNA SA INDEPENDENCE DAY CELEBRATION SA KAWIT

DUTERTE-LORENZANA

SA KAUNA-UNAHANG  pagkakataon mula nang maluklok bilang presidente ng Filipinas ay pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasama si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sabayang mga aktibidad para sa paggunita ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, kung saan unang idineklara ang kasarinlan ng Filipinas ay pinangunahan ni Pangulong Duterte ang ceremonial flag raising sa kabila ng pagbuhos ng ulan.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng  Pangulo na handa nitong gawin ang higit pa sa inaasahan sa kanya para lamang magkaroon ng kapayapaan sa bansa.

Pursigido ang Pangulo sa usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at nakahanda siyang humakbang ng aniya’y “extra mile” para lamang makamit ang inaasam na kapayapaan.

Kaya umano  hindi nito lubusang inaaway ang mga komunista at iniimbitahan mismo si CPP founding Chairman Jose Maria Sison na umuwi ng bansa ay  dahil alam nitong may pag-asa para sa pagpapatuloy ng negosasyon.

Umaasa siyang maipagtatanggol ng sambayanang Filipino sa mga taon pang darating ang demokrasyang tinatamasa ng bansa dahil sa pagsasakripisyo ng ating mga ninuno.

Sinabi ni Pangulong Duterte, ang makasaysa­yang araw na ito ng bansa ay nagsisilbing sandigan ng kasarinlang natatamasa natin sa ngayon na nakamit  sa pamamagitan ng maalab na pagmamahal sa bayan ng ating mga ninuno at nilabanan ang pananakop ng mga dayuhan.

Dahil umano dito ay napatunayan ng mga Filipino sa buong mundo ang ating pagkakaisa bilang ­unang Republika sa Asya.

Bukod kay Lorenzana na una ng nagpahayag na bibili ang Filipinas ng submarine para patuloy na mapangalagaan ang soberanya ng bansa ay dumalo rin sina PNP Chief Oscar Albayalde at Chinese Ambassador Xiao Jinhua.

No show naman si Manila Mayor Joseph Estrada sa Independence Day celebration sa  Rizal Park na  pinangunahan ni Vice President Leni Robredo at Justice Sec. Menardo Guevarra.

Si Robredo rin ang nag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Gat. Jose Rizal matapos ang ginanap na flag raising ceremony.

Dumalo din sa Rizal Park sina DILG Usec. Jacinto Paras, DepEd Usec. Jesus Mateo, PCSO Gen. Manager Alexander Balutan, Quezon City Police District director Jose Esquivel, at iba pang opisyal mula National Parks Development Committee.

Habang si Defense Undersecretary Ernesto Carolina naman ang nanguna sa selebrasyon sa North Cemetery sa Sta. Cruz, Manila  kung saan nakalibing ang maraming bayani at ma­ging mga beterano ng ikalawang digmaan.

Kasama ni Gen. Carolina ang ilang tauhan ng DND P/Chief Supt Arnel Escobal  RCDS, NCRPO;  Bgen Augustine Malinit, PAF  at Manila Vice Mayor Honey Lacuna Pangan ilang kawani mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Labor and Employment (DOLE), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at Manila City Hall. VERLIN RUIZ

Comments are closed.