DUTERTE, NEUTRAL SA ISYU NG BANG-GAAN SA RECTO BANK – EXPERTS

duterte

SINUPORTAHAN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng isang dating ambassador na si Albert Encomienda, eksperto sa law of the sea and oceans policy kaugnay ng naganap na banggaan ng Chinese vessel at bangka ng mga Pinoy fishermen kamakailan sa Recto Bank.

Sa idinaos na Pandesal Forum sa Kamu­ning Bakery and Cafe sa Quezon City, sinabi ni Encomienda na nararapat lamang ang mga naunang tugon ni Pangulong Duterte at nagpapakita lamang na hindi ito pinopolitika.

Naniniwala si Encomienda na “neutral” lamang ang ginawang mga pahayag ng Pangulo at naging mabilis ang tugon nito sa isyu upang mapahupa ang iniingatang magandang relasyon sa pagitan ng Filipinas at China

Hindi rin aniya dapat magpadala ang ­Pangulo sa ilang grupo na nagbubuyo para lamang sirain ang magandang relationship ng dalawang bansa.

“Tama lamang na ‘cool’ ang attitude ng Pangulo sa bagay na ito,” wika pa ni Encomienda sa umiinit na usapin ng banggaan sa bahagi ng West Philippine Sea.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na maituturing na “little maritime incident” ang nangyaring banggaan sa Recto Bank na pinaniniwalaan ng Pangulo na walang basbas sa Chinese government ang naturang pangyayari.

Hindi rin minamaliit ng Pangulo ang nasabing usapin at sa halip ay patuloy na pinaiimbestigahan ng magkabilang bansa ang tunay na pangyayari. (BENEDICT ABAYGAR, JR.)

Comments are closed.