TANONG: Doc Benj, paano po ako makapag-uumpisa ng business, ako po ay isang empleyado pa lang?
Sagot: Napakagandang marinig na iyong na-realize na habang ikaw ay isang empleyado sa ngayon ay nag-iisip ka na ng ibang puwedeng pagkakitaan o ang pagnenegosyo. Ang kahulugan nito ay nagko-compute ka ng iyong kinikita at ninanais mong madagdagan para mas umasenso. Tama po na maisip mo ng kung mananatili kang empleyado, tatanda ka pong isang kahid, isang tuka maliban na lamang kung ang kompanya mong pinapasukan ay mabibigyan ka ng magandang retirement fund kaya habang may pagkakataon pa ngayon umpisahan mo nang mag-isip ng iba pang paraan na kumita na ‘di binibitawan ang pagiging empleyado mo. Ang pagiging empleyado mo ay magsisiguro sa iyo ng fixed income mo (buwanang sahod) at ito ay magagamit sa mga fixed expenses (‘di maiiwasang buwanang gastusin) at magandang simula ito kung ninanais mong magsugal pa ng ibang yaman mo sa pagnenegosyo. Ika nga, ang halagang dapat mong ipasok sa negosyo mo ay perang kung mawala man ay hindi pa rin sira ang iyong kabuhayan dahil ikaw ay kumikita sa pagiging empleyado. Narito ang ilang mahalagan puntos para malaman mo kung paano ka makakaumpisa ng negosyo habang namamasukan:
- Karunungan, Kaalaman, Kakayahan – Habang ikaw ay empleyado, mainam na malaman mo ang mga operations ng iyong kompanya at matuto ka sa mga bagay-bagay sa pagha-handle ng customers, paggawa ng produkto o pagbuo ng serbisyo at ang karanasan mo sa pagiging empleyado ang magiging puhunan mo sa pagtayo ng sarili mong negosyo. Isulat ang lahat ng mga natutunan at pag-isipan kung saan ka magaling talaga na maaari mo ring gawing personal na negosyo. Puwedeng sa susunod ay papasok ka rin sa consultancy na may kinalaman sa mga naranasan mo sa pagiging empleyado.
- Capital – Maghanda at mag-ipon ng puwede mong maging puhunan sa iyong maiisip na negosyo. Habang empleyado ka dapat may naitatabi kang sobrang pera na iniipon para sa pagnenegosyo. Huwag magugulat na balang araw ay wala kang pangnegosyo kung sa ngayon naman ay inuubos ang iyong sahod. Isipin na dapat na pagkakagastusan sana sa ngayon ay may bagay o ari-arian na posibleng magbigay ng extrang kita sa kinabukasan at hindi puro gastos na panandalian lamang ang benepisyong naihatid. Kung makakaipon ka ng kahit 1,000 pesos kada sahod mo ikaw ay may 2,000 kada buwan at 24,000 kada taon, maganda itong pasimula na mayroon kang puwedeng isugal sa pagnenegosyo.
- Magpaalam o Magsabi sa May-ari o Amo – Dapat matutong gumalang sa iyong amo o sa may-ari at ipaalam ang binabalak mong gawin, sa ganitong paraan ay matutulungan ka pang maisip kung ano ang dapat mong pasukin dahil baka may mga ipinagbabawal sa inyong kompanya na malalaman mo at hindi ka magkakaaberya sa susunod. Sa pagkakataon din na ito, maaari mong mahingi pa ang tulong ng amo mo at baka gawin pang partner sa negosyo ang business mo dahil nagpakita ka ng paggalang at katapatan sa kanya. Kung magnenegosyo, mahalagang matutunan mo muna ang mga tamang asal ng isang tao sa pagnenegosyo at para pagpalain ka rin ng Diyos dahil hindi illegal ang iyong negosyo.
- Magsubok Magtinda-tinda – Subukan mong magtinda-tinda at makapa mo kung ikaw ba ay marunong na mag-alok, magbenta, magpaliwanag ng produkto at ‘yung marketing ng produkto. Nakakatawang isipin na sa umpisa talaga ay magtiyaga-tiyaga kang magbenta ng kahit na maliit na paninda muna, halimbawa ay mga chichirya, kape, longganisa, sabon atbp. pero sa pagtitinda ay malaki ang matututunan mo sa pagnenegosyo at sa ganitong paraan maiisip mo kung ikaw ay may kakayanang makapag-business. Kung ikinahihiya mo itong pagtitinda ay mahihirapan kang pumasok sa negosyo. Kung ikaw ay matagumpay sa pagtitinda ng maliliit na produkto, madali mo nang mapagtagumpayan ang mas malalaking pagbebenta ng negosyo.
- Pag-aralan kung ano ang puwedeng maging produkto o serbisyo – Ngayong nagkaroon ka ng karanasan sa pagtitinda ng maliliit na produkto, maaari ka nang magsubok ng medyo mamahalin o malaking produkto. Mas maliit na produkto, maliit ang pagkakataong kumita nang malaki, sa mas malaking hamon mas may pagkakataong kumita nang malaki.
- Kausapin ang pamilya at maghanap ng puwedeng katuwang o makakatulong – Kinakailangan mong may mga sasalo ng iba mong gawain sa pagnenegosyo kaya magandang maasahan mong makatuwang ang iyong pamilya, pamangkin o pinsan na kahit mautusan mo sa mga errands. Nagsisimula ka pa lang at ‘di mo pa kaya ang mag-hire ng employees kaya maaaring may mapakiusapan kang kapamilya na makatulong mo. Ang una mo pa ring pahalagahan ay ang iyong employment at huwag mong hayaang maapektuhan ang employment mo ng busi-ness mo dahil hindi magandang sitwasyon ang maapektuhan ang company na kung saan ka pa employed at inuuna mo ang personal mong negosyo na kung tutuusin ay dapat mong inaasikaso lang sa personal mong oras.
- Patuloy na pag-aaral – Mahalagang marami kang pag-aaral na gawin bago sumabak sa isa pang bagay na mas mahirap na gawin. Makipagkwentuhan sa mga nagnenegosyo na, o sa mga dating empleyado na nagkanegosyo. Sumama sa mga webinar patungkol sa business at magbasa-basa para mas lumawak ang kaalaman at tandaan na mas mababawasan ang pagsusugal kung mas napag-aaralan ang pagnenegosyo.
Tamang magmuni-muni ka at mag-isip kung ano ang mga susunod mong hakbang para sa paglago ng iyong kabuhayan. Planuhin dahil hindi magaganap ang kaginhawahan kung maghihintay lang, ito ay dapat na pinagtatrabahuhan. Para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong i-konsulta, i-email ninyo ako sa [email protected]. Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anu-mang business-related, matatawagan ninyo ako sa 0917-876-8550. Tandaan na magtanim ng mga mabubuting karunungan sa iyong isipan at ito ang maging pattern ng iyong pag-uugali. Maging entrepreneurs na kahit empleyado pa lamang, matulungan mo rin ang negosyo ng boss mo kung nauunawaan mo ang magnegosyo at matutulungan ka ng employment mong maging magaling na boss ng business mo, maging Empt-repreneurs!
Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.
Comments are closed.