HOTSHOTS SA ‘FINAL 4’

NALUSUTAN ng Magnolia ang matikas na pakikihamok ng NLEX upang maitakas ang 112-106 panalo sa overtime at umusad sa semifinals ng PBA Philippine Cup nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Nagbuhos si Ian Sangalang ng double-double na 24 points at 11 rebounds, subalit si Jio Jalalon ang nagsindi sa crucial surge ng Hotshots sa extension na may pito sa kanyang 16 points bago sinelyuhan nina Calvin Abueva at Mark Barroca ang panalo mula sa stripe.

Sa panalo, tinapos ng Magnolia ang best-of-three quarterfinals duel sa 2-1 at umabante sa race-to-four semis kontra early qualifier TNT simula sa Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Masaya si coach Chito Victolero at nalusutan ng kanyang tropa ang Road Warriors at nakamit ang kanilang target na makausad sa final four.

“It boils down to this game, ‘yung journey namin this conference,” sabi ni Victolero. “I’m very proud kasi hindi kami nag-give up. That means the mental toughness, the grit and determination of the players.”

Pinasalamatan din ni Victolero ang NLEX sa matikas na pakikihamok nito sa buong laro, na, aniya, ay makatutulong sa paghahanda ng kanyang tropa para sa susunod na round.

“Hats off to coach Yeng (Guiao) and his team. They gave us a very, very good fight. Sobrang ganda laro nila. It boiled down to one possession, one rebound, one miss,” paliwanag niya.

Nagningning din si Paul Lee, tinampukan ang kanyang 21-point production ng clutch corner triple na nagtabla sa talaan sa 97, may 11 segundo sa regulation.

Nanguna si Calvin Oftana para sa NLEX na may 32 points habang nagdagdag si Don Trollano ng 22 points at nagbuhos si Kevin Alas ng double-double na 17 points at 11 rebounds.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Magnolia (112) – Sangalang 24, Lee 21, Jalalon 16, Barroca 14, Abueva 13, Dela Rosa 12, Corpuz 6, Dionisio 4, Wong 2.
NLEX (106) – Oftana 32, Trollano 22, Alas 17, Chua 10, Semerad 8, Quinahan 8, Rosales 5, Varilla 2, Nieto 2, Soyud 0.
QS: 26-30, 51-54, 79-78, 97-97, 112-106 (OT).