IMPLEMENTING GUIDELINES NG FIRST-TIME JOBSEEKERS LAW PIRMADO NA

PERSONAL na nakibahagi si Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles, kasama ang mga pinuno ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, sa paglagda sa Joint Operational Guidelines (JOG) para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11261 o ang First Time Jobseekers Assistance Act (FTJAA) sa isang seremonya noong nakaraang Biyernes, Mayo 12.

Ayon kay Nograles, ang nasabing ceremonial signing ay siyang culminating activity para sa naging collective at collaborative effort ng mga kasaping ahensiya ng gobyerno na nagkakaloob ng iba’t ibang benepisyo sa ilalim ng naturang batas, partikular na para sa mga fresh graduate, outof-school-youth, at parttime student.

Paliwanag ng CSC head, sa ilalim ng FTJAA, na nilagdaan upang maging ganap na batas noong April 10, 2019 at naging epektibo noong May 23 ng nasabi ring taon, ang mga una pa lamang na nag-a-apply ng trabaho ay ililibre sa pagbabayad ng iba pre-employment documents na iniisyu ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno.

Paglilinaw ni Nograles, kailangan lamang sundin ng mga first time job seeker para maging kuwalipikado sa nabanggit na benepisyo ang mga sumunod: (1) dapat Filipino citizen; (2) lehitimong first time jobseeker anumang ang kanyang edad; (3) aktibong naghahanap ng trabaho at (4) residente ng barangay na nag-iisyu ng barangay certification.

Sa panig ng CSC, sinabi ni Nograles na ang dokumentong maaaring makuha ng libre ng first time jobseekers, partikular ang mga gustong pumasok sa alinmang sangay ng pamahalaan ay ang iniisyu nilang Certificate of Eligibility (COE), na makukuha sa regional office ng ahensiya kung saan nag-take ng CSE-PPT examination ang aplikante.

“In compliance with the FTJAA, the CSC issued Resolution No. 2000363 dated 21 February 2020, which provides one (1) original and one (1) authenticated copy of COE for free to first-time job applicants who passed the Career Service Professional and Subprofessional Examination and to qualified individuals with special eligibilities under special laws and CSC issuances,” pahayag pa ni Nograles.

“If the records of the CSC indicate that an individual had applied for a COE in the past but has not yet been employed, and is still eligible for the benefits provided by the FTJAA, they may still be granted the COE without any charge,” dagdag pa niya.

-ROMER R. BUTUYAN