INAASAHANG patuloy na babagal ang inflation at pasok sa target range ng gobyerno sa Abril, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa pahayag ng Department of Economic Research (DER) ng central bank, ang inflation ay posibleng maitala sa 2.7 percent hanggang 3.5 percent sa Abril.
Kumpara ito sa 3.3 percent na naitala noong Marso at sa 4.5 percent noong Abril 2018, na pinakamabilis sa nakalipas na anim na taon.
“Higher domestic oil prices and the slight upward adjustment in electricity rates are seen to provide upside price pressures for the month,” wika ng BSP.
Ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tumaas sa apat na sunod na linggo ngayong buwan, habang ang singil sa koryente ay may dagdag na 6.33 centavos sa P10.5594 per kilowatt hour.
“However, these pressures may be partly offset by the continued decline in rice prices and by the peso appreciation,” anang BSP.
“The Philippine peso has recently been trading close to the P51:$1 level, compared with its end-2018 close of P52.580:$1.”
Ayon sa inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC), ang inflation ay maaaring maitala sa 3.0 percent hanggang 4.0 percent ngayong taon, pasok sa government target na 2.0 percent hanggang 4.0 percent.
Ang official data para sa inflation rate para sa Abril ay ipalalabas sa Mayo 9.
Comments are closed.