BUMAGAL ang inflation rate ng bansa sa first quarter ng taon kung saan pasok na ito sa target range ng gobyerno.
Ito ay pagkatapos ng tatlong magkakasunod na quarters ng pagbilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na lagpas sa target ng pamahalaan.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, nakapagtala lamang ng 3.8 percent na inflation rate, mas mababa sa 5.9 percent noong fourth quarter ng 2018.
Ani Diokno, pasok na ito sa target ng gobyerno na 2 hanggang 4 percent.
Nabatid na ang latest figure na ito ay kaparehas lamang ng 3.8-percent inflation rate na naitala sa kaparehas na quarter noong nakaraang taon.
Sinabi ng central bank chief na ang mas mabagal na inflation sa unang tatlong buwan ng taon ay resulta ng malaking pagbaba sa food inflation sanhi ng ‘improved supply conditions’.
Ang inflation ay bumilis at lagpas sa target range ng gobyerno magmula noong second quarter ng 2018 nang maitala ito sa 4.8 percent. Sumirit din ito sa 6.2 percent at 5.9 percent sa third at fourth quarter ng 2018, ayon sa pagkakasunod.
Ang epekto ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, mas mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, at ang pagsipa ng presyo ng pagkain at iba pang produkto dahil sa supply shortage ang sinisi sa mataas na inflation na naranasan sa huling bahagi ng 2018. BENEDICT ABAYGAR JR. / VERLIN RUIZ
Comments are closed.