INFLATION LALALA PA

Senador Chiz Escudero

NAGBABALA kahapon si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na lalo lamang lalala ang inflation sa bansa sa pansamantalang pagpapati­gil sa quarry operations.

Ayon kay Escudero, tila hindi pinag-isipang mabuti ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang kau-tusan sa malawakang pagpapasara sa quarrying sa bansa, lalo na ang magiging epekto nito sa ekonomiya.

Aniya, malaki na ang problema ng bansa sa nararanasang inflation rate at panibagong hamon na naman ang kakaharapin nito sa pagpapasara sa quarry operations.

Paliwanag ng senador, magmamahal ang construction materials kapag nagsara ang lahat ng quarrying sa bansa tulad ng semento.

Bukod dito, iginiit din niya na maaapektuhan ng kautusan ni Cimatu ang libo-libong trabahador ng quarrying na posibleng mawalan ng trabaho.

Maging ang budget, aniya, sa infrastructure projects ng gobyerno ay tatamaan din dahil magtataas ang presyo ng construction materials na gagamitin sa pagpapagawa ng mga tulay at kalsada.

Dagdag pa ng senador, kukuwestiyunin niya sa budget hearing ng Senado kung bakit inuna ni Cimatu ang pagpapasara bago ang inspeksiyon na gagawin ng DENR.

Payo ni Escudero, mas makabubuting magsagawa muna ng malawakang inspeksiyon sa mga quarry at ang mga may paglabag ay ipasara sa halip na unahin  ang pagpapasara sa pagsasagawa ng inspeksiyon.     VICKY CERVALES

Comments are closed.