INFLATION MAPIPIGILAN, HUHUPA NA

Gov-Nestor-Espenilla-Jr

PINAWI ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Nestor Espenilla Jr. ang pangamba na uma­ngat o sumampa ng hanggang 6 to 7 percent ang inflation.

Sa kaniyang pagharap sa  Philippine Economic Forum sa Meet The Press na magkatuwang na itinaguyod ng In the Heart of Business, programa sa DWIZ 882 at ng National Press Club of the ­Philippines sa Intramuros, Manila, sinabi ni Espenilla na transitory ang paggalaw ng consumer price at epekto rin ito ng paggalaw ng mga produkto sa kalakalan.

Gayunman, sa kanilang pag-aaral sa galaw ng komersiyo, maaaring mapigilan ang inflation ngayong buwan at hanggang Setyembre hanggang sa humupa ito.

Inihalimbawa pa ni Espenilla na noong 2008 ay umabot ng mahigit  8 percent ang inflation, su­balit nang sumunod na taon ay bumagal na ito.

“Sa tingin  namin  (economic managers) mapipigilan ang inflation ngayong August hanggang September at mag-uumpisa nang humupa,  for example, noong 2008 sumampa ng 8% ang inflation subalit nang sumunod na taon ay bumaba na ito  sa 2%,”  ayon pa sa BSP governor.

Naniniwala rin si Espenilla na bagaman ngayong buwan ay maaari pang tumaas ang inflation subalit ito na aniya ang pinakamataas at sa kanilang pagtaya hindi na makararating sa 7% ang inflation.

“I don’t think we will get there,” sabi pa ng BSP top official.

Aniya, maaaring mas mataas ang inflation ng Agosto kaysa Hulyo su­balit ang sukdulan nito ay hanggang ngayong buwan din o sa susunod na buwan.

“The August inflation may actually be higher than July. The peak may be in August or September,” dagdag pa ni Espenilla.

Gayunman, aminado  ito  na  pagtaya lamang ang kanilang sinabi dahil ang inflation ay transitory o sadyang gumagalaw subalit hindi naman nagtatagal.

Magugunitang isinisi ang mataas na inflation sa mataas na presyo ng petrolyo  at ang tumaas na excise tax.

Idinepensa ni Espenilla sa nasabing forum ang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) dahil para naman sa pangkalahatan ang malilikom na buwis partikular sa mga pinopondohang serbisyo.

“Sino ba ang tutulong sa Filipinas kundi Filipino kaya mabuti ang TRAIN,” pagwawakas pa ni Espenilla.

Kabilang naman sa naging resource person sa nasabing pulong balitaan ay sina Asec. Antonio Lambino II ng Department of Finance,  na nagsabing para sa progreso ang TRAIN Law;  Philippine Veterans Bank Chairman Bobby de Ocampo at Philippine Competition Commission Chairman Arsenio Ba­lisacan.

Host naman ng Meet The Press si NPC President Rolly Gonzalo at katuwang bilang moderator ang mga host ng DWIZ 882 program na In The Heart of Business na sina Roni Tapia Merck at Marou Pahati-Sarne.  EUNICE CALMA

Comments are closed.