ILANG araw bago ang opisyal na pahayag sa July inflation rate, inaasahan na ng economic team ng gobyerno ang pagbaba nito mula sa nakaraang buwang tally na 5.2 porsiyento.
“Inaasahan natin na ang inflation ay magsisimulang bumaba sa second half ng taon at babalik ito sa normal sa 2019,” pahayag ni Department of Budget and Management Secretary Bejamin Diokno.
Umaasa rin si Department of Trade and Industry Undersecretary Ruth Castelo sa mababang pigura ng inflation sa buwan ng Hulyo na iaanunsiyo ngayong Lunes.
Inaasahang magiging normal ang inflation sa pagtatapos ng 2018, ngunit maaaring bumaba ito nang kaunti sa buwan ng Hulyo.
Pumalo ang inflation sa 5.2 porsiyento nitong Hunyo, na lubhang napakataas na antas na naitala simula sa pagpasok ng taon nang ipatupad na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.
“Government gave free education as a mitigating measure starting June this year. Hindi kasama sa computation ng inflation rate for June,” paliwanag ni Castelo.
Inimplementa rin ang pagkakaloob ng unconditional cash transfer na tinatayang 10 milyong Filipino ang makikinabang.
Sinabi naman ni Diokno na ang pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na sinabayan pa ng paghina ng piso ang maaring nagtulak sa pagtaas ng inflation rate sa unang anim na buwan ng taon.
Gayumpaman, may nakikitang pagbabago ang kagawaran sa second half ng taon.
Kapansin-pansin umano, ayon kay Diokno ang pagbaba ng exchange rate kahit na erratic pa rin ang presyo ng petrolyo, na inaasahang bababa rin.
Comments are closed.