INFLATION SISIPA PA

POSIBLENG umabot pa sa 5.5 porsiyento ang inflation rate para sa buwan ng Hulyo, ayon sa isinagawang poll ng Reuters sa 15 institusyon.

Bunsod pa rin ito ng mataas na halaga ng bilihin, petrolyo at utilities.

Sakaling umabot ng mahigit sa 5 porsiyento, ito na ang ika-limang magkakasunod na buwan na lumabis sa tinarget ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2 hanggang 4 porsiyentong inflation rate.

Ayon pa sa Reuters poll, ang inflation rate projection sa Hulyo ay maituturing na pinakamaatas sa mahigit limang taon.

Nauna nang sinabi ni BSP Governor Nestor Espenilla na kinokonsidera nito ang tinatawag nilang ‘strong monetary action’ upang mapababa ang implasyon at mapalakas ang piso.

Sa kabuuan ng 2018, inaasahan ng BSP na aabot sa ave­rage na 4.5 percent ang inflation habang sa taong 2019 ay tina-tayang nasa 3.3 percent. DESTINY REYES

Comments are closed.