INFLATION SUMIPA PA SA 5.7% NOONG HULYO; DUTERTE NAALARMA

inflation

BUMILIS pa sa 5.7 percent ang inflation rate noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito ay mas mataas sa 5.2% na naitala noong Hunyo at pinakamabilis na inflation rate sa loob ng limang taon. Ito rin ang ika-7 sunod na buwan na tumaas ang inflation, o magmula nang maitala ang 4.0 percent noong Enero.

Sinabi ng PSA na pangunahing dahilan ng pagsipa ng inflation ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“The uptrend was mainly due to food and non-alcoholic beverages which registered a 7.1% annual rate” ayon sa datos ng PSA.

“Compared with their annual rates in June 2018, all the food groups posted higher annual increments in July 2018 except for the indices of corn and fruits,” sabi pa ng PSA.

“Spikes were also observed in alcoholic beverages and tobacco (21.5%); housing, water, electricity, gas and other fuels (5.6%); transportation (7.9%); and health (3.7%),” dagdag pa nito.

Bigo ring matugunan ng pag-angkat ng bigas ang epekto ng pagsipa ng presyo ng pagkain kung saan umakyat ito sa 5%, mas mataas ng 0.3 percentage kumpara sa buwan ng Hunyo.

Sa datos ng PSA, sumipa ang presyo ng mga pagkain tulad ng karne (5.8%), isda (11.4%), gulay (16%);  sugar jam at iba pang pagkaing may asukal na nagtala ng 7.4%. .

Ang inflation rate sa National Capital Region (NCR) ay bumilis sa 6.5 percent noong Hulyo mula sa 5.8 percent noong Hunyo at 2.9 percent noong Hulyo 2017.

Samantala, sinabi ng Malakanyang na naalarma si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtaas pa ng inflation sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nag­hahanap na ng solusyon ang economic team ng Pangulo kung papaano masasawata ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni Roque na  kinokonsidera ng economic managers ng Duterte administration ang mitigating measures na ipinapanukala ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bawasan ang taripa sa ilang food products, gayundin ang panukala ni Agriculture Secretary Manny Piñol na lagyan ng suggested retail price o SRP ang mga fish product at zero tarrif sa imported fish products.

Kasabay nito ang paglulunsad ng kampanya kontra rice cartels, smugglers, rice hoarders at iba pang  economic saboteurs sa bansa .

Nagbanta ang Pangulo na gagamitin ang buong puwersa ng batas para pasukin ang mga warehouse ng mga hinihinalang sangkot sa rice hoarding at rice cartel.

Ayon kay Roque, naniniwala ang Palasyo na ang pagkontrol ng rice cartel sa supply at presyo ng bigas ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.     VERLIN RUIZ

Comments are closed.