JUNE INFLATION BUMAGAL SA 2.7%

INFLATION-4

NAITALA ang inflation rate sa 22-month low na 2.7 percent noong Hunyo mula sa 3.2 percent noong Mayo.

Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) National Statistician Claire Dennis Mapa, ito na ang pinakamababang naitalang inflation mula noong Setyembre 2017 na nasa 3 percent.

Pasok din ito sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mula 2.2 percent hanggang 3.0 percent, at mas mababa sa 5.2 percent na naitala noong Hunyo 2018.

Mula Enero hanggang Hunyo, ang inflation ay nairehistro sa 3.4 percent, na pasok din sa target na 2 percent hanggang 4 percent para sa 2019.

Base sa ipinalabas na datos ng PSA, ang pinakamalaking contributor sa mabagal na paggalaw sa presyo ng produkto at serbisyo ay ang sektor ng pagkain at inumin sa 39.8 percent at 2.7 percent na annual rate.

Sinundan ito ng sektor ng housing, tubig, koryente at gasolina na may 25.4 porsiyento na ambag sa kabuuang inflation.

Habang pangatlo ang restaurant at miscellaneous goods na may 16-percent overall share.

Samantala, naitala ang pinakamataas na annual rate sa sektor ng kalusugan sa 3.7 percent at recreation at culture sa 3.2 percent.

Sinabi pa ni Mapa na ang mababang halaga ng palay at mais ang sanhi ng mabagal na paggalaw sa ­presyo ng mga ito.

Pareho rin ang naitala sa presyo ng pamasahe at produktong petrolyo. Ang pinakamataas na annual rate sa mga rehiyon ay naitala sa Mimaropa sa 5.2 percent dahil sa ibinilis nito mula 4.7 percent noong Mayo.

Pinakamabagal naman sa mga rehiyon ang Zamboanga Peninsula Region sa 0.7 porsiyento.      BENE-DICT ABAYGAR, JR. / VERLIN RUIZ

Comments are closed.