Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Perpetual vs EAC (Men Finals)
2:30 p.m. – Benilde vs Letran (Women Finals)
ASAHAN ang matinding hatawan sa pag-arangkada ng NCAA Season 99 women’s volleyball best-of-three finals ngayong Linggo sa Filoil EcoOil Centre.
Target ng De La Salle-College of Saint Benilde ang ikatlong sunod na titulo laban sa Colegio de San Juan de Letran sa alas-2:30 ng hapon.
Naisaayos ng Lady Knights sa ilalim nii coach Oliver Almadro ang title showdown sa Lady Blazers makaraang gapiin ang Lyceum of the Philippines University, 25-15, 25-21, 19-25, 19-25, 15-11, sa do-or-die step-ladder match noong Miyerkoles.
Ito ang unang championship appearance ng Lady Knights sa loob ng 12 taon.
Ang Lady Knights ay huling umabot sa championship round sa back-to-back seasons noong 2011 at 2012. Natalo ang Letran sa parehong okasyon sa powerhouses San Sebastian at University of Perpetual Help System Dalta.
Umaasa si Almadro na maibalik sa Lady Knights ang korona laban sa Lady Blazers na hindi pa natatalo magmula noong 2020.
Ang Letran ay hindi pa nananalo ng women’s title magmula nang magwagi ng dalawang sunod noong 1998 at 1999.
Kinumpleto ng three-peat seeking College of Saint Benilde ang perfect 9-0 elimination round record upang kunin ang outright passage sa best-of-three Finals.
Samantala, sisikapin ng University of Perpetual Help System DALTA na mahila ang kanilang dominasyon sa men’s volleyball sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College sa best-of-three finals sa alas-12 ng tanghali.
Sakaling magwagi, ito na ang ika-4 na sunod na titulo ng Altas sa torneo.
Ang parehong laro ay mapapanood nang live ss GTV simula alas-12 ng tanghali sa May 19 at 26. Kung kinakailangan, ang Game 3 ng serye ay gaganapin sa June 1.