LADY CHIEFS PASOK NA SA SEMIS

Standings W L
*CSB 7 0
*Arellano 7 1
SSC-R 5 2
Mapua 4 3
LPU 3 4
JRU 3 4
San Beda 2 5
Perpetual 2 5
EAC 2 6
Letran 1 6
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – Mapua vs Letran
2:30 p.m. – CSB vs Perpetual

NASUNGKIT ng titleholder Arellano University ang kanilang ika-8 sunod na Final Four appearance kasunod ng 25-21, 25-18, 26-24 panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Sa kabila ng pag-alis ng key players sa katauhan nina Regine Arocha, Andrea Marzan at Sarah Verutiao, gayundin ng matinding hamon na dulot ng pandemya, nakamit ng Lady Chiefs ang kanilang inisyal na target na makapasok sa semifinals.

“Mahirap kapag nabakante ka ng two years. ‘Yung una target namin ay umabot ng Final Four. Lagi ko silang nire-remind na kami ang magdedepende so dapat maganda ang performance. So pinipilit namin na maibigay ang na dapat maibigay sa school,” sabi ni Arellano coach Obet Javier.

Nagpakawala si Nicole Sasuman ng 13 points, kabilang ang match-clinching kill na nagbigay sa Lady Chiefs ng ika-7 panalo sa walong laro.

Nauna rito ay pinataob ng San Sebastian ang San Beda, 25-21, 23-25, 30-32, 25-23, 15-13, para mapalakas ang kanilang Final Four bid.

Tatapusin ng Arellano ang kanilang elimination round campaign kontra College of Saint Benilde sa Sabado na magdedetermina kung gagamitin ang traditional Final Four o ang step-ladder format.

Kumana si Charmina Diño ng 9 kills, 12 digs at 8 receptions habang nagtala rin si Carla Donato ng 9 points, kabilang ang 4 blocks, para sa Lady Chiefs.

Kumamada si Cathrine Almazan ng 3 service aces upang tumapos na may 15 points habang nagdagdag si Krizzia Reyes ng 10 points, 14 receptions at 12 digs para sa Lady Generals, na pinutol ang two-match winning streak at mahulog sa 2-6 overall.