LADY KNIGHTS SA FINALS

NCAA Season 99 women’s volleyball. Photo: Angela Davocol

Mga laro sa linggo:
(Filoil EcoOil Centre)

12 noon – Perpetual vs EAC (Men Finals)

2:30 p.m. – Benilde vs Letran (Women Finals)

SA KANYANG unang season sa paghawak sa kanyang alma mater, iginiya ni coach Oliver Almadro ang Letran sa Finals ng NCAA women’s volleyball tournament.

Kinailangan ng Lady Knights ng limang sets para gapiin ang Lyceum of the Philippines University, 25-15, 25-21, 19-25, 19-25, 15-11, at kunin ang unang championship appearance sa loob ng 12 taon kahapon sa  Filoil EcoOil Centre.

Makakaharap ng Letran ang three-peat seeking College of Saint Benilde sa best-of-three series na magsisimula sa Linggo, alas-2 ng hapon, sa San Juan arena.

Ang  Lady Knights ay huling umabot sa championship round sa back-to-back seasons noong 2011 at 2012.  Natalo ang Letran sa parehong okasyon sa powerhouses San Sebastian at  University of Perpetual Help System Dalta.

Umaasa si Almadro na maibalik sa Lady Knights ang korona laban sa   Lady Blazers na hindi pa natatalo magmula noong 2020.

Ang Letran ay hindi pa nananalo ng women’s title magmula nang magwagi ng dalawang sunod noong 1998 at 1999.

Nanguna si Judiel Nitura, na nagmula sa pamilya ng student-athletes, para sa Lady Knights na may 23 points, nagdagdag si rookie Gia Maquilang ng  22 points at 16 receptions habang nagpamalas si  Nizelle Martin ng solid all-around game na 13 points, 11 digs at 14 receptions.

Nanguna si Joan Doguna para sa Lady Pirates na may  22 points, kabilang ang 3 service aces, nagtala si Jaja Tulang ng 2  blocks para sa 12-point effort at gumawa ng 12 receptions, habang nagdagdag si Heart Bio ng  11 points.