MAG-INGAT SA LEPTOSPIROSIS NGAYONG TAG-ULAN

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

PUMASOK na ang tag-ulan at kaakibat nito ay ang iba’t ibang klase ng mga sakit na maari na-ting makuha.

Ang pagbaha na sanhi ng hindi magandang drainage ng mga estero ay maaring magdulot ng mga sakit at isa na rito ang leptospirosis.

Ang Leptospirosis ay ang sakit na sanhi ng isang bacteria na ang pangalan ay Leptospira interrogans.

Ito ay nakukuha ng tao sa pamamagitan ng ihi ng isang hayop na infected nito tulad ng baka, baboy, kabayo, aso at daga.

Sa Filipinas, ang malimit na reservoir nito ay ang daga.

Ang ihi ng hayop na infected ng bacteria na ito ay maaring sumama sa lupa o sa tubig ng estero at ito ay maaa­ring manatiling buhay sa loob 16 days sa freshwater at 24 days naman sa lupa.

Kapag umuulan at umaapaw ang estero at mga kanal nagkakaroon ang tao ng exposure sa bacteria na ito. Maa­ring ma-transmit sa tao ang Leptospirosis sa pamamagitan ng “skin break” or maliliit na sugat sa ating katawan kapag tayo ay lumusong sa baha. Maari din itong makahawa sa pamamagitan ng ating mga mata, ilong o bu­nganga.

Ang taong nagkaron ng leptospirosis ay makikitaan ng sintomas dalawang araw hanggang apat na linggo simula siya ay ma-expose dito.

Mayroong dalawang phase ang infection ng leptospirosis. Ang unang phase ay tinatawag na mild leptospirosis” o “anicteric syndrome”, ito ay makikita sa unang mga araw ng infection, kung saan ang isang pasyente ay mayroong mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, muscle pain, rashes, red eyes at pagdudumi.

Nobenta porsiyento ng taong mayroong mild leptospirosis ay maa­ring makarekober at 10 porsiyento sa kanila ay maaring mapunta sa tinatawag na “severe leptospirosis” o “icteric phase” o “weil’s disease”, kung saan ang vital organs ay naapektuhan, ang pasyente ay maaring mapunta sa liver o kidney failure, respiratory distress at minsan pati na rin menin­gitis. Ilan sa mga mga simtomas ng severe leptospirosis ay pagdurugo ng ilong, paninilaw, chest pain, photophobia, mataas na lagnat, seizures, confusion, stiff neck, pag-ubo ng plemang may halong dugo.

Ang pag-diagnose ng maaga ang pinakaimportante na gawin upang ang mild leptospirosis ay magamot ng maaga at ito ay hindi mapunta sa severe leptospirosis na maaring makamatay ng isang tao.

Ang sakit na ito ay maaring magamot lamang sa pamamagitan ng antibacteria, kaya mahalaga na magpa-checkup sa inyong mga doktor kung may mga sintomas na nabanggit, lalo na kung ang isang tao ay may history ng paglusong sa baha o paglangoy sa mga lake o sapa.

Ang pinakamainam na preventive measures laban sa sakit na ito ay ang paggamit ng mataas na bota o sapatos kung ikaw ay magkakaroon ng contact sa tubig baha, maghugas nang mabuti ng paa pagkatapos magkaroon ng contact sa tubig-baha at panatili­hing maganda ang daloy ng tubig sa mga kanal at estero upang hindi ito lumawak kapag umuulan.

o0o

Kung may katanu­ngan maari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fan page na medicus et legem sa Facebook- Dr. Samuel A. Zacate.

Comments are closed.