MAGIC ‘DI UMUBRA SA WARRIORS

warriros vs magic

INILAAN ni Stephen Curry ang anim sa kanyang game-high 40 points sa late 16-0 flurry na nagbigay sa Golden State Warriors ng 111-105 panalo kontra  Orlando Magic sa San Francisco.

Nagsalpak si Curry ng 10 3-pointers, subalit ang unang walo ay hindi sapat kung saan naghabol ang Warriors sa 86-91 matapos ang 3-pointer ni James Ennis III, may 8:49 ang nalalabi.

Subalit hindi nakaiskor ang Magic sa sumunod na 5:14 kung saan nakontrol ng Golden State ang laro.

Sinindihan ni Juan Toscano-Anderson ang run sa pamamagitan ng isang layup at binigyan ni Andrew Wiggins ang Golden State ng kalamangan sa isang layup na sinundan ng isang jumper.

Pagkatapos ay nagpakawala si Curry ng dalawang 3-pointers na tinuldukan ng isa pang layup ni Toscano-Anderson.

Tumapos si Wiggins na may  21 points para sa Golden State, habang nag-ambag si Kelly Oubre ng 17 points at team-high 10 rebounds. Nagdagdag si Mychal Mulder ng 11 points, at nagbigay si Draymond Green ng game-high 11 assists bukod pa sa 8  points, 6 rebounds at 2  blocks.

Nakalikom si Nikola Vucevic ng 25 points, game-high 13 rebounds at 5 assists para sa Magic, na magkakaroon ng home rematch sa  Warriors sa susunod na Biyernes.

Tumipa sina Dwayne Bacon at Terrence Ross ng tig-20 points, habang nag-ambag si James Ennis ng 17 points at 10 rebounds para sa Orlando, na nalasap ang ikatlong sunod na pagkabigo at ikapito sa huling walo.

HEAT 101,

ROCKETS 94

Humataw si Jimmy Butler ng triple-double na 27 points, 10 rebounds at 10 assists upang tulungan ang Miami Heat na pabagsakin ang Houston Rockets, 101-94, para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.

Naitala ni Butler ang kanyang ika-10 career triple-double at ikaanim sa  Heat at nalagpasan ang second most ni Dwyane Wade sa kasaysayan ng Miami.

Umiskor si Max Strus ng 21 points mula sa bench at nagdagdag si Bam Adebayo ng  10 points at 13 rebounds para sa Heat, na naghabol sa 53-47 sa halftime bago nag-rally sa second half para mainit na simulan ang kanilang seven-game road trip.

BLAZERS 118,

76ERS 114

Isinalpak ni Carmelo Anthony ang dalawang free throws, may 3.1 segundo ang nalalabi para basagin ang pagtatabla at selyuhan ang kanyang 17-point fourth quarter outburst upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 118-114 panalo kontra bisitang Philadelphia 76ers.

Tumapos si Anthony, na ipinasok ang kanyang unang anim na tira sa  fourth quarter,  na may sea-son-best 24 points sa 9-of-15 shooting at nakopo ng Trail Blazers ang ikaapat na panalo sa nakalipas na limang laro.

Nagdagdag si Damian Lillard ng team-leading 30 points sa kabila na naibuslo lamang ang 6 sa 21 field-goal attempts para sa Portland.

Comments are closed.