SA IKATLONG sunod na season ay muling naghari ang Jose Rizal University sa NCAA track and field events.
Pinalawig ng senior team ng Mandaluyong-based tracksters ang kanilang dominasyon matapos ang tatlong araw na Season 99 athletics event na nagtapos kahapon sa Philsports Complex sa Pasig.
Ito na ang ika-8 seniors title ng JRU sa kabuuan sa track and field.
Nilapatan ng finishing touches ni Frederick Ramirez ang pormal na pagkopo ng JRU ng kampeonato sa panalo sa 200m at 400m kapwa sa record-breaking fashion matapos trangkuhan ang kanyang koponan sa 4x400m relay at kunin ang bronze sa 800m.
Tinakbo ni Ramirez ang 200m sa record time 21.43 seconds, binura ang lumang marka na 21.93 seconds ni Russel Galleon, isa ring JRU trackster, anim na taon na ang nakararaan.
Matapos ang kanyang record-breaking performance sa 200m, bumalik si Ramirez sa oval at sinira ang luma niyang 48.03 sa bagong oras na 46.95 seconds.
Ang dalawang record-breakers ni Ramirez ang huli sa anim na records sa 99th season ng NCAA.
Ang apat na iba pang records ay naitala nina Randy Degolacion ng JRU sa 800m, Eugene Bongalos ng Arellano University sa pole vault, Leonard Gorospe ng Mapua sa high jump, at John Kirby Dianito ng Perpetual sa javelin throw.
Nakalikom ang JRU ng 826.5 points, laban sa 584 ng runner-up Mapua at 540 points ng third placer Arellano University.
Hindi nanalo ang JRU sa maraming taon sa athletics sa NCAA hanggang hawakan ito ni coach George Noel “Jojo” Posadas.
Sa ilalim ni Posadas ay naging powerhouse ang JRU sa athletics kung saan maraming pinasikat ang beteranong coach mula sa General Santos City, isa na rito si triple jump at long jump king Harry Mark Diones. Nanalo ang Bicolanong si Diones sa SEA Games at lumaro sa Asian Games at Asian Athletics.
CLYDE MARIANO