NCAA ALL-STAR GAME LALARGA NA

SM-MOA

MAGTITIPON-TIPON ang present at past sa NCAA All-Star basketball at volleyball games ngayon sa Mall of Asia Arena.

Lalaruin ang volleyball match sa alas-12 ng tanghali, habang ang sixth edition ng  basketball All-Star showdown ay gaganapin sa alas-4 ng hapon.

Ang parehong laro ay paglalabanan ng Team Saints na tatampukan ng Letran, San Beda, College of Saint Benilde, San Sebastian at University of Perpetual Help Dalta, at Team Heroes, na kinabibilangan ng Arellano University, Jose Rizal University, Emilio Aguinaldo University at Mapua.

Hindi tulad sa mga nakalipas na seasons, ang All-Star basketball game ngayong taon ay tatampukan ng dalawang current players, gayundin ng isang  alumnus para sa bawat member-school.

Makakasama ni Rey Nambatac, nagbida sa improbable title run ng Knights noong 2015, si Season 95 champion Jerrick Balanza. Si Bonbon Batiller ang magiging ikatlong player ng Letran.

Ang iba pang bumubuo sa Team Saints ay sina St. Benilde’s Justin Gutang, Edward Dixon at Paolo Taha (alum), San Beda’s Clint Doliguez, AC Soberano at Ryusei Koga (alum), San Sebastian’s RK Ilagan, Alvin Capobres at Chris Baluyot (alum) at Perpetual Help’s Edgar Charcos, Ben Adamos at Justin Alano (alum).

Si Jio Jalalon, iginiya ang Chiefs sa dalawang Finals stints, ang mangunguna sa Team Heroes kung saan muli niyang makakasama si Kent Salado. Si Justin Arana ang magiging ikatlong player ng Arellano, habang magsisilbing head coach si Cholo Martin, kasama sina Benedict Martin, Roland Felisilda at Ronald Felisilda.

Ang Team Heroes ay binubuo rin nina EAC’s Jethro Mendoza, JP Maguliano at Sidney Onwubere (alum), JRU’s Ry Dela Rosa, Agem Miranda, at Philip Paniamogan (alum), LPU’s Jaycee Marcelino, Jayvee Marcelino at Kevin Lacap (alum), at Mapua’s Laurenz Victoria, Christian Buñag at Yousef Taha (alum).