NALUSUTAN ng defending champion Arellano University ang shock loss sa second set upang pataubin ang Colegio de San Juan de Letran sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Kinailangan ng Lady Chiefs ng isang oras at 40 minuto upang makumpleto ang 25-14, 26-28, 25-19, 25-16 panalo na naglapit sa kanila sa pagkopo ng isang puwesto sa ‘Final 4’.
Abante ang Lady Knights sa 24-19 bago umiskor ang Arellano ng limang sunod na puntos upang ipuwersa ang deuce. Gayunman ay naging mata-tag ang Letran upang maitabla ang laban.
Naibalik ng Lady Chiefs ang kanilang porma sa sumunod na set, at kumarera sa ika-6 na panalo sa pitong laro. Ang defending champions ay kasalukuyang nasa ikalawang puwesto.
Nagtala si Regine Arocha ng 19 points, kabilang ang tatlong service aces, habang nagdagdag si reigning MVP Necole Ebuen ng 13 points. Naitala ni Carla Donato ang 4 sa kanyang 12 points mula sa kill blocks.
Nagposte ang Lady Chiefs ng 48 attacks laban sa 38 ng Letran, at nakinabang sa 38 unforced errors ng Lady Knights.
Kumana si Chamberlaine Cuñada ng 16 points at nag-ambag si Julienne Castro ng 10 points at 10 digs para sa Lady Knights.
Bumagsak ang Letran sa 3-3, naghahabol sa San Beda University (4-2) ng isang laro sa karera para sa huling semifinals berth.
Sa men’s play, tumipa si Jesrael Liberato ng 17 points, kabilang ang tatlong blocks, nang gapiin ng Arellano ang Letran, 25-22, 25-12, 25-17, para sa 5-2 kartada.
Comments are closed.