PATULOY sa pagbaba ang Inflation noong Abril kung saan naitala ang pinakamabagal na marka sa loob ng limang buwan sa likod ng mas mababang halaga ng transportasyon sa nasabing panahon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, ang inflation ay naitala sa 2.2% noong Abril, mas mabagal sa 2.5% noong Marso at sa 3.0% noong Abril 2019.
Ito rin ang pinakamabagal sa loob ng limang buwan magmula nang mairehistro ang inflation sa 1.3% noong Nobyembre 2019.
“The latest inflation number is consistent with the BSP’s prevailing assessment that inflation is expected to be benign over the policy horizon due to the adverse impact of the coronavirus pandemic on the domestic and global economy,” wika ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno.
Lumitaw sa datos ng PSA na ang major contributor sa downtrend ay ang pagbaba pa sa annual rate ng transport index sa 6.1%, ang pinakamabagal magmula noong Oktubre 2015.
Ang Metro Manila at iba pang ‘high-risk’ areas ay naka-lockdown magmula noong Marso 17, kung saan dalawang beses na pinalawig ang enhanced community quarantine sa nasabing mga lugar hanggang sa Mayo 15. Suspendido ang mass transport sa panahon ng ECQ.
Nag-ambag din sa pagbagal ng inflation ang alcoholic beverages and tobacco (17.9%); clothing and footwear (2.6); housing, water, electricity, gas (0.3%); health (2.8%); communication (0.3%); at restaurant and miscellaneous goods and services (2.4%).
Sa Metro Manila lamang, ang inflation ay bumagal sa 1.2% noong Abril mula sa 1.7% noong Marso at sa 3.1% noong Abril 2019.
Ang mga lugar sa labas ng Metro Manila ay nagposte rin ng mas mabagal na inflation na 2.5%, kumpara sa 2.7% noong Marso at 3.0% noong Abril ng nakaraang taon.
“The latest baseline forecasts indicate that inflation could settle at the low-end of the government’s target range of 3.0% plus or minus 1.0 percentage point, at 2.0% for 2020 and 2.5% for 2021,” ani Diokno.
Comments are closed.