NAGSISIMULA nang maramdaman ang economic measures na inilatag ng administrasyong Duterte kaya nanatili sa 6.7 percent ang inflation noong Oktubre, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi gumalaw ang 6.7 percent inflation rate na naitala noong Setyembre.
Ayon kay National Statistician Lisa Grace Bersales, nagkaroon ng pagbaba sa index ng pagkain, non-alcoholic at alcoholic na inumin at tobacco kaya hindi nagbago ang inflation.
Ito rin, aniya, ang dahilan kung bakit hindi rin nagbago ang inflation sa mga bilihin sa labas ng National Capital Region (NCR) sa 6.8 percent.
Sa datos ng PSA, ang Bicol region pa rin ang may pinakamataas na rate sa 9.9 percent mula sa 10.1 percent noong Setyembre, at ang Central Luzon ang may pinakamababa sa 4.4 percent mula sa 4.5 percent.
Tumaas naman ang inflation sa Cordillera, Region 2 at Mimaropa dahil sa epekto ng bagyong Ompong.
Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pag-angkat ng bigas at iba pang consumer products para matugunan ang artificial shortage na nagbubunga ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“The October data supports the view that inflation pressures are finally moderating. It also ‘augurs well’ for inflation returning to the BSP’s target by next year,” wika ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla.
“It’s a significant deceleration although the headline figure remains elevated. Second round effects are also muted so far,” ayon pa kay Espenilla.
Bagama’t napako sa 6.7 percent ang inflation rate noong Oktubre ay mas mataas pa rin ito sa kaparehong panahon noong 2017 na 3.1 percent.
Samantala, umapela si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Henry Ong kay Pangulong Duterte na ipasuspinde ang regulasyon ng BIR sa pagpapataw ng tax sa fuel hanggang sa susunod na taon.
Giit ni Ong, dahil sa hindi pagbaba ng inflation ay mas kailangan na ngayong magpatupad ng mga anti-inflation measure.
Naniniwala si Ong na bagama’t maganda ang intensyon ng TRAIN Law, nakaapekto rito ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Dahil hindi naman puwedeng suspendihin ng Pangulo ang TRAIN Law, sinabi ng kongresista na ang maaaring gawin nito ay ang ipag-utos sa Department of Finance ang suspensiyon ng revenue regulations ng BIR sa fuel tax at isailalim ito sa rebisyon para maibsan ang epekto ng inflation.
VERLIN RUIZ CONDE BATAC
Comments are closed.