BUMAGAL ang inflation o ang pagtaas sa pangkalahatang antas ng mga presyo ng basic goods at services noong Nobyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang virtual briefing, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na ang inflation noong nakaraang buwan ay naitala sa 4.2%, na mas mabagal kumpara sa 4.6% noong Oktubre. Ang average inflation mula Enero hanggang Nobyembre 2021 ay nasa 4.5%.
“Ang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation nitong Nobyembre 2021 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages na may 3.9 % inflation at 93.2 % share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa,” sabi ni Mapa.
Ito na ang ikatlong sunod na buwan na bumagal ang inflation sa likod ng pagbaba ng vegetable, fish, at meat inflation mula sa naunang taon.
Bukos sa food and non-alcoholic beverages, binanggit ni Mapa ang housing, water, electricity, gas at ibang pang fuels, kasama ang transport bilang major contributors sa inflation noonh Nobyembre.
Ang National Capital Region (NCR) ay nagtala ng inflation rate na 2.9% noong nakaraang buwan, na mas mabagal din sa 3.2% sa naunang buwan.
Sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, ang inflation ay nasa 4.5% — mas mabagal kumpara sa 5% noong Oktubre. Pinangunahan ng BARMM ang siyam na rehiyon na may mas mabagal na rates noong Nobyembre sa 2.6%, habang nanguna ang Davao sa limang rehiyon na may mas mabilis na rates sa nasabing buwan sa 6.2%.
Tanging ang Northern Mindanao ang hindi gumalaw ang inflation noong Nobyembre sa 3.7%.