P35 M SHABU TIMBOG SA GRAB DRIVER

shabu

AABOT sa halos P35-milyong halaga ng shabu ang nasabat mula sa isang grab driver matapos mahuli sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director Brig.Gen. Eliseo Cruz ang naarestong suspek na si Uriel Hewe Jr., 31-anyos ng Block 15, Lot 7, Mangga St., Amparo Subdivision Brgy. 179,  nasa drug watch list ng pulisya.

Sa report ni Cruz kay NCRPO Chief PBGen. Vicente Danao Jr., bandang alas-3 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga ope­ratiba ng Caloocan Police SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo, kasama ang Amparo Police Sub-Station sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Samuel Mina Jr. sa bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Narekober sa suspek ang aabot sa 5 kilos at 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinayatayang nasa P34,680,000.00, buy bust money na binubuo ng 2 tunay na P1,000 at 138 piraso boodle money, isang cal. 45 pistol na may magazine at 4 na bala, digital weighing scale, cellphone at P10,150 cash.

Pinuri ni Danao ang Caloocan Police SDEU sa ilalim ng pamumuno ni Mina dahil sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto suspek.

Nabatid na nag-ugat ang operation dahil sa impormasyon mula sa concerned citizen na ipinadala sa NCRPO SMS Compliance Monitoring System hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek.

Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan ang suspek sa grupong nasakote din ng Caloocan Police SDEU kamakailan na nahulihan ng 26 kilos ng shabu. VICK TANES

Comments are closed.