HANGZHOU – Umaasa si Carlo Paalam na masusundan si fellow Olympian Eumir Marcial sa boxing semifinals ng 19th Asian Games, subalit babangga siya sa pader sa pagsagupa kay reigning world champion Carlo Khalokov Abdumalik ng Uzbekistan sa quarterfinal round ngayong Martes.
Si Paalam ay aakyat sa ruweda kontra 23-year-old Uzbek sa alas-7:30 ng gabi sa Hangzhou gymnasium.
Dinispatsa ng Tokyo silver medal winner si Uulu Munarbek Seiitbek ng Kyrgystan sa Round-of-16 sa iskor na 4-1 upang umabante sa quarterfinals. Si Seiitbek, 27, ay bronze medalist sa nakalipas na World Championship sa Tashkent, Uzbekistan.
Ngayon ay haharapin ni Paalam ang gold medal winner sa hangaring samahan si Marcial sa semis.
“Halos lahat sila sa division namin magaling,” pag-aamin ng 25-year-old Filipino hinggil sa roster sa men’s 57 kg class kung saan lumalaban siya sa unang pagkakataon.
Maaaring mabigat ang laban ngunit naniniwala si head coach Ronald Chavez na kayang talunin ni Paalam su Khalokov.
“Kaya ni Carlo talunin ‘yan,” ani Chavez, hindi alintana ang katotohanan na si Paalam ang pinakamaliit sa kanyang division makaraang umakyat mula sa 54 kg kung saan siya nanalo ng silver sa Olympics.
Si Marcial, 27, ay umusad sa semis noong Linggo makaraang durugin si Weerapong Jongjoho ng Thailand sa second round ng men’s 80 kg.
CLYDE MARIANO