PAGBABANTAY SA AIRPORT HINIGPITAN NG BI

AIRPORT-1

PINAIGTING ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang monitoring sa mga airport sa bansa sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang masawata ang pagpasok ng mga terorista sa Filipinas.

Upang maging epektibo ang kanyang kautusan, inilipat ang mga tauhan ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU)  para mamonitor  niya ang bawat hakbang ng mga ito.

Ang TCEU ay ang responsable o ang may karapatan sa pag inspeksiyon   sa mga pasahero sa mga international airport at humuli sa mga biktima ng human trafficking at  illegal recruitment.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Mo­rente, inilipat ang TCEU sa ilalim ng kanyang pamumuno upang direkta na mag-report ang mga ito sa kanyang opisina,  dahil bukod sa itinuturing niya na mga mata at tainga sa operasyon, ito rin ang front liners ng BI.

Sa  tanggapan ng komisyoner na rin direktang magre-report ang mga taga-Border Control Unit at BI Intelligence Groups  dahil ito ang inaasahan niya sa pagmo-monitor sa mga pinaghihinalaang mga terorista na nais mag­hasik ng lagim sa bansa.

Ang dalawang grupo ay nasa pamamahala ng BI’s Port Operations Division (POD) at aniya, kinakailangang i-transfer para maiwasan ang fraternization, na siyang nagiging daan sa korupsiyon.    FLOR MORALLOS

Comments are closed.