PINATUNAYAN ni June Mar Fajardo na siya pa rin ang hari sa PBA Philippine Cup.
Nakopo ng 6-foot-10 San Miguel star ang Best Player of the Conference award nitong Linggo, kung saan nabawi niya ang coveted individual plum na hawak niya sa anim na sunod na seasons hanggang sa magtamo siya ng fractured tibia, dalawang taon na ang nakalilipas.
Si Fajardo ay consistent leader ng BPC race mula sa eliminations kaya hindi na nakapagtataka na makuha niya ang award sa ika-9 na pagkakataon sa pangkalahatan.
Nanguna ang University of Cebu alumnus sa statistical points (501) at kapwa sa media (537) at players votes (81) para sa kabuuang puntos na 1,119 points.
Tinalo niya si San Miguel teammate CJ Perez ng 342 points – ang second fewest winning margin sa kanyang siyam na BPC magmula nang gapiin si Calvin Abueva ng Alaska sa 2015 all-Filipino edition.
Nakalikom si Perez ng 776 total points makaraang pumangalawa sa statistics (474) at media votes (257), habang pumangatlo sa players’ votes na may 45.
Pumangatlo si Mikey Williams ng TNT na may 610 points bagaman nakalikom din siya ng 81 points mula sa players’ votes.
Gayunman, ang prolific Fil-Am guard ay tumapos na third sa statistics (419) at media votes (110).
Ang Barangay Ginebra pair nina Scottie Thompson at Japeth Aguilar ang bumuo sa top five sa BPC race.
CLYDE MARIANO