PH SUMIRIT SA NO. 56 SA FIVB MEN’S WORLD RANKINGS

UMANGAT ang Philippine men’s team ng 111 puwesto mula No. 167 sa No. 56 sa International Volleyball Federation (FIVB) world rankings kasunod ng dalawang panalo sa idinadaos na Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Men sa Taipei.

“This is one big, major achievement for our men’s indoor volleyball team,” pahayag ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara.

“This is by far the most significant accomplishment by our men’s team and the PNVF just under three years into its establishment as the national federation,” dagdag pa ni Suzara.

Ang Pilipinas ay isa sa tatlo lanang sa 222 FIVB member nations na malaki ang itinaas sa world rankings. Ang Macau ay umakyat mula No. 165 sa No. 58 habang ang Mongolia ay mula No 164 sa No. 59. Ang dalawang bansa ay sumasabak din sa Taiwan.

Ang national men’s team na kasalukuyang naglalaro sa Taipei ay kinabibilangan nina Vincent Raphael Mangulabanan, Noel Michael Kampton, Kim Harold Dayandante, Vince Patrick Lorenzo, Ryan Andrew Banez, Kim Malabunga, Jayvee Sumagaysay, Steve Charles Rotter, Adrian Villados, John Vic de Guzman, Joshua Umandal, Edward Camposano, Bryan Bagunas, Marck Jesus Espejo, Rex Emmanuel Intal, Madzlan Gampong, Lloyd Josafat, Cyrus de Guzman, Manual Sumanguid III at Chumason Celestine Njigha.

Ang koponan ay pinangungunahan ni PNVF director Rod Roque at ginagabayan nina Brazilian head coach Sergio Veloso at deputy coaches Odjie Mamon at Rommel Abella kasama sina team manager Jerome Guhit, strength and conditioning coach Melchidedek Samonte at statistician Mark Gil Alfafara. Ipinadala rin ng PNVF si FIVB referee Janus Dumaran sa Taiwan.

Tinalo ng nationals ang Macau, 25-21, 25-15, 25-14, noong nakaraang Linggo at Mongolia, 22-25, 25-21, 26-24, 23-25, 15-12, noong Lunes upang umusad sa final 12 ng AVC Challenge Cup for Men sa University of Taipei Hall.

Binigyan ng mga Pinoy ng magandang laban ang powerhouse Bahrain bago nalasap ang 25-20, 25-17, 25-23 kabiguan sa pagpapatuloy ng laro kahapon ng umaga.

Sumasabak din sa Taiwan ang host country, Australia, South Korea, Hong Kong, Kazakhstan, India, Vietnam, Saudi Arabia at Thailand.