(Posible sa Marso o Abril) FARE HIKE SA MRT-3

MAAARING tumaas ang pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Marso o Abril 2024.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary at MRT-3 officer in charge General Manager, Jorjette Aquino, muling ihahain ng management ngayong linggo ang petisyon para sa dagdag-pasahe makaraang ibasura ng regulators ang kanilang inisyal na kahilingan noong nakaraang Enero.

Humihirit ang pamunuan ng MRT-3 ng karagdagang P2.29 para sa  boarding fee at P0.21 dagdag kada kilometro.

Kapag naaprubahan, ang minimum fare ay tataas sa P16 mula sa kasalukuyang P13 habang ang end-to-end trip mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station ay tataaa sa P34 mula sa kasaluluyang P28.

Aabutin ng tatlong buwan para iproseso ang petisyon, na kinabibilangan ng pagsasagawa ng public hearing at paglalathala ng fare increase sa pahayagan na may general circulation, sakaling maaprubahan ang pagtaas.  Ang inaasahang implementation period ay late March o early April 2024.

Ayon kay Aquino, sa kabila ng pagtaas ng ridership at revenue ng MRT-3 sa unang 10 buwan ng taon ay mayroon pa rin itong multi-billion dollar deficit kung ikokonsidera ang operating at maintenance expenses ng train.

“Mula January to October ng taong ito, nasa 117 million na po (ang annual ridership). Hindi pa tapos ang taon pero ito ay already 20 percent higher than the entire year ng 2022,” aniya.

“Dahil tumaas din ang ating ridership, from January to October, umabot na sa P1.9 billion ang ating revenue. Subalit meron pa rin tayong around P6.2 billion na kakulangan or deficit,” dagdag pa ni Aquino.

Ang national government ay kasalukuyang nagsa-subsidize sa bahagi ng MRT-3 fares.

“Ang dapat na pasahe ng dapat pasahero ng MRT-3 dulo sa dulo, meaning North Avenue to Taft Avenue, ay dapat nasa P69. At ang binabayaran lamang ng bawat pasahero ay P28 so ito ay may kakulangan na P41 kada pasahero,” ani Aquino.

Aniya, sa pagtataas ng pasahe, mas maraming pondo ang mare-reallocate ng pamahalaan sa ibang mga programa at proyekto na mapakikinabangan ng mas maraming tao sa labas ng Metro Manila.

Ang huling pagkakataon na nagtaas ng pasahe sa MRT-3 ay noon pang  2015.