Q’FINALS TARGET NG PH SA AVC MEN’S CHALLENGE CUP

VOLLEYBALL-2

PUNTIRYA ng Pilipinas ang isang puwesto sa quarterfinals sa pagsagupa sa Bahrain sa pagsisimula ng Final 12 ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Men’s Challenge Cup ngayong Miyerkoles sa University of Taipei Hall sa Taiwan.

Nakatakda ang laro sa alas-10 ng umaga.

Pinayuhan ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) President Ramon “Tats” Suzara ang koponan na samantalahin ang oportunidad sa Final 12 bagama’t ang Bahrain ay hindi maitatatwang malakas na kontender.

“Bahrain is a strong team and we don’t have enough background but it’s a good matchup with us. I am hoping the team maintains its good start,” pahayag ni Suzara, at sinabing masaya siya sa ipinakita ng national team sa ilalim ni Brazilian coach Sergio Veloso nang walisin nito ang preliminary round.

Tinalo ng Pilipinas ang Macau noong nakaraang Linggo, 25-21, 25-15, 25-14, tungo sa pagwalis sa Pool A sa kapana-panabik na five-setter kontra Mongolia, 22-25, 25-21, 26-24, 22-25, 15-12, sa likod ng 36-point outburst ni Marck Espejo.

Ang iba pang Final 12 matches na lalaruin sa iba’t ibang courts ay sa pagitan ng South Korea at Mongolia at sa alas-12:30 ng hapon, Australia vs Macau sa ala-1 ng hapon, Indonesia kontra Kazakhstan sa alas-3 ng hapon, at Hong Kong versus Thailand sa alas-5:30 ng hapon.