PINAMAMADALI ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa pamahalaan sa pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap na Pilipino.
Bunsod na rin ito ng naitalang pagtaas ng inflation rate sa 4% noong Marso.
Ayon kay Salceda, bagaman umangat ng isang puntos ang inflation rate sa buwan ng Marso, maituturing pa rin itong pasok sa target range ng gobyerno.
Hindi man malala ang inflation rate ng bansa ay kailangan pa rin aniyang kumilos ng pamahalaan para matulungan ang mga mamamayan na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Hiniling ng kongresista sa pamahalaan na bilisan ang pangakong ayuda, kabilang na rito ang P500 na cash aid na huling inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sakali man ay handa, aniya, ang Kamara na magbigay ng kinakailangang alokasyon o policy support upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda. CONDE BATAC