(Sa pagsuspinde sa F2F classes dahil sa pandemya) P2-T NAWALA SA KITA NG GOBYERNO

AABOT sa P2 trillion ang nawalang kita ng pamahalaan nang suspendihin ang face-to-face classes dahil sa pandemya, ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez.

“Dahil diyan ipinag-utos ng Pangulo (Bongbong Marcos) na tulungan ang mga kabataan lalong-lalo na ang mga estudyante na bumalik ang tiwala sa pagpasok sa face-to-face classroom. Dahil diyan nagkaroon ng pagpapasya na gawing libre ang mga pagsakay pansamantala habang pinag-aaralan ang iba pang implikasyon ng mga patakarang ito,” aniya.

Sa kanyang pagtaya, makakakolekta ang gobyerno ng P12 billion na revenues sa pagbubukas ng in-person classes sa darating na Agosto.

Inamin ni Chavez na nawalan ang Metro Rail Transit-3 ng halos P500 million na kits makaraang ipatupad ang tatlong buwang libreng sakay.

“Bakit estudyante lang ang ililibre? Umabot halos ng kalahating bilyon ang nawala sa MRT-3 ginawang libreng sakay noong April, May at Hunyo. Nag-a-average ng P140 million to P160 million buwan-buwan ang nawawala,” aniya.

Ang libreng sakay para sa mga estudyante ay magsisimula sa Agosto at magtatapos sa Nobyembre.