BUMAGAL pa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong Setyembre.
Sa isang virtual briefing, iniulat ni National Statistician Claire Dennis Mapa na naitala ang September inflation sa 2.3%, mas
mabagal sa 2.4% noong Agosto. Gayunman ay mas mabilis ito sa 0.9% noong Setyembre 2019.
“Ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng antas ng inflation sa buwan ng Setyembre 2020 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng food and non-alcoholic beverages,” sabi ni Mapa.
Ang inflation para sa food and non-alcoholic beverages index ay bumagal sa 1.5% noong nakaraang buwan mula sa 1.8% noong Agosto.
Naitala rin ang mas mabagal na inflation para sa alcoholic beverages and tobacco (12.9%); clothing and footwear (1.8%); furnishing, household equipment, at routine maintenance of the house (3.7%); at recreation and culture (-0.5%).
Samantala, naitala naman ang annual increases sa indices ng housing, water, electricity, gas, and other fuels (1.2%); transport (8.3%); communication (0.4%); at education (0.9%).
Para sa National Capital Region (NCR), ang inflation ay nanatili sa 2.2% sa ikatlong sunod na buwan, habang sa mga lugar sa labas ng Metro Manila ay lalo pang bumagal sa 2.4%.
Nauna nang nagbigay ng pagtaya ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maitatala ang September inflation sa 2.2 percent, o mula 1.8 hanggang 2.6 percent, dahil sa mas mababang presyo ng langis, bigas at koryente.
Comments are closed.