KINUHA ng Criss Cross ang dalawang talentadong NCAA standouts upang palakasin ang kanilang roster sa Spikers’ Turf tournament.
Idinagdag ng King Crunchers sina NCAA two-time Best Setter Adrian Villados ng Arellano University, at Philip Pepito, dating V-League Collegiate Conference Best Libero winner mula sa University of Perpetual Help System Dalta.
Ginawa ng Criss Cross, na pinalakas din ang kanilang opensa sa pagkuha kay National University star Nico Almendras, ang anunsiyo noong weekend.
Ang pagkuha kay Almendras ang unang hakbang ng Criss Cross matapos matalo sa Cignal sa Spikers’ Turf Open Conference Finals.
Sasamahan nina Almendras, Villados, at Pepito ang mga star players na tulad nina Marck Espejo at reigning Open Conference MVP Jude Garcia sa King Crunchers.
Ang 24-year-old outside spiker ay may ipinagmamalaking dalawang Spikers’ Turf titles, isa sa vital cogs ng Sta. Elena-NU sa 2022 Open Conference at 2023 Invitational Conference triumphs.
Si Almendras ay miyembro rin ng Alas Pilipinas national training pool para sa FIVB World Championship na iho-host ng bansa sa susunod na taon.