UMISKOR si Keldon Johnson mula sa mintis na free throw, may three-tenths ng isang segundo ang nalalabi, upang sandigan ang bisitang San Antonio Spurs sa 110-108 panalo kontra Golden State Warriors sa San Francisco nitong Linggo.
Mula sa bench ay tumirada si Josh Richardson ng team-high 25 points at isa sa anim na Spurs na may multiple 3-pointers kung saan nanalo ang San Antonio sa Golden State sa ikalawang pagkakataon ngayong season.
Nanguna si Jordan Poole sa lahat ng scorers na may 28 points at nagdagdag si Klay Thompson ng 24 para sa Warriors, na naglaro sa unang pagkakataon magmula nang magtamo si Stephen Curry ng foot injury laban sa Boston Celtics noong Miyerkoles.
Tumapos si Johnson na may14 points, 7 rebounds at 5 assists para sa Spurs, habang kumabig si Dejounte Murray ng 19 points, 6 rebounds at game-high eight assists.
RAPTORS 93,
76ERS 88
Kumana si Pascal Siakam ng 26 points at10 rebounds nang gapiin ng bisitang Toronto ang Philadelphia.
Nagdagdag si Chris Boucher ng12 points at 14 rebounds at napantayan ni Precious Achiuwa ang kanyang season best na may 21 points para sa Raptors, na nanalo ng anim sa kanilang huling pitong laro.
Tumipa si Joel Embiid ng 21 points at kumalawit ng 13 rebounds para sa 76ers, na nagwagi sa kanilang huling dalawang laro. Nakalikom si Tyrese Maxey ng 19 points, Nagdagdag si James Harden ng 17 points, gumawa si Matisse Thybulle ng 12 at umiskor si Georges Niang ng 11.
Sa iba pang laro, pinataob ng Celtics ang Nuggets, 124-104; dinispatsa ng Jazz ang Knicks, 108-93; pinayuko ng Suns ang Kings, 127-124 (OT); pinulbos ng Pacers ang Trail Blazers, 129- 98; pinatahimik ng Magic ang Thunder, 90-85; kinatay ng Pelicans ang Hawks, 117-112; at pinabagsak ng Grizzlies ang Rockets, 122- 98.