OAKLAND, Calif. – Nagbuhos si Stephen Curry ng 37 points, at binura ng Golden State Warriors ang 15-point halftime deficit upang maitakas ang 114-111 panalo laban sa Portland Trail Blazers noong Huwebes ng gabi at kunin ang 2-0 kalamangan sa Western Conference finals.
Nagmintis si CJ McCollum sa driving jumper, may 32 segundo ang nalalabi, at umiskor si Draymond Green sa kabilang dulo para sa Warriors, para bigyan ng huling pagkakataon ang Portland, may 12.3 segundo sa orasan. Kasunod nito ay nasupalpal ni Andre Iguodala ang three-point attempt ni Damian Lillard sa left wing.
Isang three-pointer ni Seth Curry, ang nakababatang kapatid ni Steph, ang nagbigay sa Portland ng kalamangan, may 1:03 ang nalalabi, bago nabawi ng Golden State ang trangko, 112-111, sa dunk ni Kevon Looney.
Naitala ni Stephen Curry ang kanyang ikatlong sunod na 30-point performance habang nag-init si Splash Brother Klay Thompson sa half kung saan naiposte niya ang 13 sa kanyang 24 points sa 39-point third quarter ng Warriors.
Umiskor si McCollum ng 22 points para sa Portland at nalusutan ni Lillard ang mabagal na simula upang magdagdag ng 23 points at 10 assists.
Nakatakda ang Game 3 sa best-of-seven series sa Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa Portland.
Tumipa si Green ng 16 points, 10 rebounds, 7 assists at 5 blocks. Ang kanyang pitong sunod na playoff games na may hindi bababa sa 10 rebounds ay career high.
Hindi nakapaglaro sa ikatlong sunod na pagkakataon para sa Warriors si Kevin Durant dahil sa strained right calf at wala pang katiyakan kung makababalik siya sa serye.
Naitala ni Curry ang unang walong puntos ng Golden State sa third upang makalapit ang kanyang koponan sa 69-58, pagkatapos ay naisalpak ni Thompson ang dalawang sunod na tres.
Naitarak ng Blazers ang 65-50 halftime lead, kung saaan sinamantala nila ang 10 turnovers ng Warriors para sa 18 points.
Nalusutan na ng Warriors sina James Harden at Chris Paul sa huling round, at ngayon ay sina McCollum at Lillard ang humahadlang sa kanilang kampanya para sa ika-5 sunod na pagsabak sa NBA Finals.
“They’re a nightmare to have to cover,” wika ni Warriors coach Steve Kerr bago ang laro.
Naipasok ni Curry ang lima sa kanyang inisyal na walong tira subalit nagkumahog si Thompson sa first half sa 3-for-11 at sumablay sa tatlo sa apat na three-point tries.
Comments are closed.