ARESTADO sa magkahiwalay na buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Calabarzon Region 4-A at ng pulisya ang dalawang babaeng Thailander na nahulihan ng 3.2 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P25.2 million kamakalawa sa Pasay at Makati City.
Base sa report inihayag ni Pasay City police chief P/Colonel Bernard Yang, unang naaresto ang suspek na nakilalang si Narumon Sukkato, 30, bandang alas- 12:15 ng tanghali sa loob ng isang fast food sa Barangay 76, Pasay City.
Agad na nagkasa ang mga operatiba ng PDEA-Region 4A, Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at ng MOA Pasay City Police Community Precinct (PCP) na nagresulta sa pagkakaaresto ni Sukkato at narekober sa kanya ang ilegal na droga na tumitimbang ng 200 gramo na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.
Sa pagkakaaresto kay Sukkato ay agad naman nilang sinundan ito sa kanilang follow-up operation sa pamamagitan ng pagkakasa ng isa pang drug buy bust bandang ala-1:30 ng hapon kamakalawa kung saan naaresto rin ang isa pang babaeng suspek na Thailander na nakilalang si Konorrat Jampangoen, 36, sa kanyang pansamantalang tinitirahan sa Unit 401 ng Artemis Place na matatagpuan sa Filmore corner Enrique Sts., Barangay Palanan, Makati City.
Inaresto si Jampangoen makaraang pumiyok si Sukkato na galing sa una ang droga na nakumpiska sa kanya.
Sa pagsisiyasat sa tirahan ni Jampangoen ay nakarekober ang PDEA Region-4A ng 3 kilong shabu na nagkakahalaga ng P24 milyon.
Ayon sa salaysay ni Jampangoen, sinabi nito inutusan sila ng kanilang kaibigan sa Thailand na makipagkita sila sa isang Filipinas upang maibenta ang laman ng backpack na ibinigay sa kanila.
Mariin namang sinabi ni Jampangoen na hindi nila alam na shabu ang laman ng ibinigay ng kanilang kaibigan na backpack.
Dagdag pa ni Jampangoen na napilitan lamang silang sumunod sa kanilang kaibigan dahil kung hindi nila susundin ito ay wala silang pamasahe pabalik ng Thailand.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-Calabarzon habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa mga ito. MARIVIC FERNANDEZ/DICK GARAY