CALOOCAN CITY – WALO katao kabilang ang isang barangay tanod ang naaresto ng mga awtoridad sa ilegal na sugal habang ang taya umano ay shabu sa magkahiwalay na barangay sa lungsod na ito.
Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2 Commander PCI Merben Bryan Lago, alas-11:20 ng gabi nang respondehan ng kanyang mga tauhan sa pangunguna nina PO1 Johnny Calines at PO1 Ian Eric Villamor ang tawag sa telephono ng isang concerned citizen hinggil sa isang grupo na naglalaro ng ‘Posoy’ sa kahabaan ng Caimito Road, Brgy. 77.
Naabutan ng mga pulis ang mga nagsusugal na nakilalang sina Brigida Ramos, 60, street sweeper ng Caimito Road, anak nito na si Reynaldo, 38, Michael Juarez, 49, ng Baltazar St., C3 Rd, Brgy. 49 at Edgardo Oania, 48, ng Kabulusan 1, Brgy. 24 na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Narekober sa lugar ang P110 cash, isang set ng baraha na gamit bilang gambling paraphernalia at dala-wang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakumpiska kay Juarez at Oania.
Nauna rito, alas-12:20 ng madaling araw nang masakote rin ng mga tauhan ng PCP-2 sina Roberto Gardi, 52, karpintero, Garyvic Capanio, 26, driver, Joel Mendez, 38, Brgy. Tanod at Emmerson Jalon, 39, pedicab driver, ng Julian Felipe St., Brgy. 8 na naglalaro ng ‘cara y cruz’ sa DM Compound, Brgy. 73. VICK TANES