4 DRUG SUSPECTS KULONG  SA P1.1-M SHABU

arestado

TAGUIG CITY – ARESTADO sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit-National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang apat na drug suspects na umano’y mga miyembro ng isang criminal gang matapos  makumpiskahan ang mga ito ng halagang P1.1 million ng shabu.

Kinilala ni NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Joseph Marcelo, 41, nakatira sa Brgy. Valenzuela, Makati City;  Ronald Kerwin Bustos, 32, taga- San Andres Bukid, Manila; Anthony Cruz, 41, ng Bagong Calzada,  Pateros at  Robert Saligan, 40, ng Bagong Calzada, Brgy. Tipas,  Taguig City.

Nauna dito, nakatanggap ng impormasyon ang RDEU galing sa kanilang police asset hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek.

Makaraan ang ilang buwang pagsasagawa ng surveillance ope­ration laban sa mga suspek ay nagpositibo ito at agad na ikinasa ng RDEU-NCRPO at PDEA ang buy bust operation kung saan nagpanggap ang isang pulis na buyer.

Dakong alas-12:30 kahapon ng madaling araw ay ikinasa ang naturang buy bust operation sa C-6 Road, Brgy. Napindan, Taguig City  at  nakumpiska sa mga ito ang nasa 165 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P1.1 million, dalawang baril na naglalaman ng mga bala, isang granada at dalawang weighing scale.

Napag-alaman sa isang positive validation ng mga pulis na ang mga suspek ay miyembro ng isang criminal gang na nag-o-ope­rate sa Southern Metro Manila na kabilang din sa drug watchlist ng pulisya.

Ang nadakip na mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Section 5, 11 and 26 Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at RA9516 (Illegal possession of explosives) in relation to Omnibus Election Code and COMELEC Gun Ban. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.