4 KATAO HULI SA P228K HALAGA NG SHABU

shabu

NAVOTAS CITY –  NAKUMPISKA ang nasa P228,000 halaga ng shabu sa apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isang babae matapos masakote sa isinagawang buy bust ope­ration ng mga pulis, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na si Michael Bonzon alyas “Barok”, 47, Marissa De Guzman, 39, John Paolo Cubos, 21, at Jojo Delos Reyes, 24, pawang residente ng Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN).

Sa pahayag ni P/Col. Balasabas, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Eric Roxas, kasama ang PDEA Camanava sa pangunguna ni Amir Estanislao ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa 417 Brgy. NBBN.

Nagawang makapagtransaksiyon ni PCpl Leofoldo Lumbang na umaktong buyer sa mga suspek ng isang sachet ng shabu kapalit ng P300 marked money.

Nang magbigay ng signal ang poseur-buyer na nagkaabutan na agad lumusob ang back-up na mga operatiba at sinunggaban ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 14 plastic sachets na naglalaman ng nasa 60 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P228,000 street value ang halaga.

Ayon kay Col. Balasabas, patuloy ang kanilang follow-up na imbestigas­yon upang matukoy kung saan kinukuha ng mga suspek ang mga nakum­piskang shabu sa kanila.  EVELYN GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.