CALOOCAN CITY – SA kulungan bumagsak ang limang katao matapos maaresto ng mga awtoridad sa ilegal na sugal at shabu kahapon ng umaga.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct (PCP) 6 Commander PCI Dave Anthony Capurcos ang mga naarestong suspek na sina Eric Santilices, 34, Jimmy Boy Upo, 36, Kevin Regis, 28, Wifredo Versoza, 28, at Edmund Casiño, 38.
Batay sa ulat, alas-11:30 ng umaga nang respondehan ng mga tauhan ng PCP-6 ang tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa grupo na naglalaro ng ‘cara y cruz’ sa kahabaan ng B6 L1 Genesis St. Tierra Nova Main, Brgy. 171, Bagumbong.
Pagdating ng mga pulis sa naturang lugar, mabilis na nagpulasan ang mga nagsusugal sa magkakahiwalay na direksiyon subalit, nagawang maaresto ang limang suspek.
Narekober sa lugar ang mga gambling paraphernalia at nang utusan ang mga suspek na ipakita ang laman ng kanilang bulsa, nakumpiska sa kanila ang 5 transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu. EVELYN GARCIA
Comments are closed.