SULU – LIMANG lalaki na hinihinalang Abu Sayyaf Group (ASG) members at 28 sachets na naglalaman ng shabu ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Marine Battalion Landing Team 8 ng Philippine Navy Marines at Banguingui Municipal Police Station sa karagatang sakop ng Brgy. Tainga, Bakkaw.
Ayon kay Capt. Felix A. Serapio, Phil. Navy-Marine Director, Marine Corps Public Affairs Office, isang joint law enforcement ang kanilang inilunsad matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa mga hinihinalang drug dealers at mga kasapi ng Abu Sayyaf terror group na paparating mula sa karagatang sakop ng nasabing barangay.
Nang masabat ng awtoridad ang dalawang pump boat na itinuro ng mga impormante ay narekober sa mga hinihinalang bandido ang shabu, drug paraphernalia at isang magazine assembly para sa caliber .45 at may limang bala.
Agad na dinala ng mga sundalo ang kinumpiskang droga at dalawang pump boat kasama ang limang suspek sa Banguingui Municipal Police Station para sa paghahain ng kaukulang kaso. VERLIN RUIZ
Comments are closed.