ANIM na hinihinalang drug personalities kabilang ang dalawang babae at isang menor de edad ang naaresto matapos maaktuhang nagsa-shabu dahil sa Text JRT o text kay Mayor John Rey Tiangco sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief Sr. Supt. Brent Milan Madjaco ang mga naarestong suspek na sina Eleonor Abad, 49, Dina Gabinag, 28, Michael Villanueva, 33, Ariel Varela Jr., 26, Randy Logarta at ang 17-anyos na binatilyo.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng text messages mula sa concerned citizen ang Text JRT na isa sa programa ni Mayor Tiangco sa lungsod hinggil sa nagaganap umanong pot session sa loob ng isang bahay sa No. 600 Pescador, Brgy. Bangkulasi na pag-aari umano ni Abad.
Mabilis namang nirespondehan ang naturang lugar sa pangunguna ni SPO1 Ianrry Reyes na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-11 ng umaga matapos maaktuhan umanong nagsa-shabu sa loob ng bahay na hinihinalang ginawang drug den.
Ayon kay Mayor Tiangco, patuloy ang kanilang mahigpit na kampanya kontra ilegal na droga sa lungsod at kamakailan lamang ay namahagi ng 7 patrol cars ang lokal na pamahalaan para magamit ng mga pulis sa pagsugpo ng krimen. VICK TANES / EVE GARCIA
Comments are closed.