800 GRAMO NG SHABU NASABAT SA WAREHOUSE NG COURIER COMPANY

SHABU

PARAÑAQUE CITY – NASAMSAM ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) noong  Sabado, Setyembre  22 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 800 gramo ng shabu sa loob ng warehouse ng courier company.

Ang naturang kargamento ay dumating  noong September 21, 2018, galing sa Republic of Congo, at idineklara ng consignee na mga Art table.

Ayon kay Customs Port of NAIA district collector Mimel Talusan, ang nasabing kontrabando ay nakapangalan sa isang Joy Bido Mariel na taga-Cavite, at ipinadala sa kanya ng isang  Asuman Lopeta ng 5EM Rue industrielle Kinshasa, Republic of Congo.

Tinatayang aabot sa P5.4 milyon ang halaga ng nasabing droga at agad itong itinurn-over ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), upang magsagawa ng masusing imbestigasyon, at pagsasampa ng kasong criminal laban sa consignee na si Joy Mariel.

Kaugnay nito, inalerto ang mga taga-customs sa NAIA upang maging mapagmatiyag  sa mga kargamento na dumarating sa paliparan galing sa United States, Republic of Congo, Hongkong at Taiwan.  FROILAN MORALLOS